Ang kasipagan, determinasyon, at tiyaga ay ilan lamang sa mga sikreto sa pag-unlad sa buhay. Sa kabila ng mga pagsubok na maaaring dumaan sa buhay ng isang tao, kailanman ay hindi ito magiging hadlang para sa isang tao na mayroong pangarap na nais makamit sa buhay.

Katulad na lamang ng isang magsasaka ng pakwan na ito. Bago pa man narating ang ginhawa sa buhay na tinatamasa niya ngayon, matindi ding hirap ang kaniyang napagdaanan. Gayunpaman, hindi siya sumuko sa lahat ng problema at nanatiling bukas sa pag-asa kaya naman siya ay biniyayaan ng higit pa sa kaniyang inaakala.

Ibinahagi ng Facebook page na "Agribusiness" ang nakaka-inspire na kwento ni Helen Cullo mula sa Aklan. Siya ay lumaki sa pamilya ng magsasaka. Ang kaniyang napangasawa ay isa ding magsasaka. Sila ay dating nagtatanim ng mga gulay at nagbebenta ng mga pakwan na kanilang binibili.


Ayon sa kaniya, napalayas umano sila sa inuupahan noong 2000 dahil sila ay dalawang buwan nang hindi nakabayad ng renta dahil nagsabay noon ang gastos ng kaniyang anak na kolehiyo at panggatas ng kaniyang maliit na anak. Dahil dito, pinuntahan umano sila ng may-ari at walang pag-aalinlangan na pinalayas sila kahit pa man alam nito na wala pa silang matitirhan at walang wala din sila noong mga panahon na iyon. Kahit pa man nakiusap na sila ay magbabayad sa takdang araw na ibinigay nito ay hindi pa din ito nakinig at pinalayas pa din sila.

Hindi naging madali ang buhay para sa pamilya nina Helen. Siya ay mayroong pitong anak, kabilang na ang triplets, at ang isa niyang anak na nawala na. At dahil sa hirap ng buhay na pinagdaanan nila noon, nagawa niyang ipamigay ang kaniyang mga anak at ibigay muna sa pangangalaga ng kanilang mga kamag-anak.


Ayon pa kay Helen ay ilang beses din silang nangutang ng pampuhunan noon dahil sa labis na kahirapan.

Nakahiram umano siya noon ng P50,000 para ipambili ng mga Indian mango at pakwan na kaniyang iaangkat patungong Maynila para maibenta. Ngunit, sa kasamaang palad ay malaki din ang kanilang nalugi sa Indian mango dahil marami dito ang nabulok at nasira na hindi na maaari pang maibenta.

Gayunpaman, nananatili pa ding bukas sa pag-asa si Helen. Kaya naman muli silang nagpasya ng kaniyang asawa na sumubok ng ibang paraan para sila ay kumita at sa pagkakataon na ito ay sa pamamagitan naman ng pagtatanim ng pakwan. Muling nanghiram ang mag-asawa sa kanilang mga kaibigan at umabot din sa P300,000 ang halaga na kanilang nahirap na ginami naman nila para ibili ng binhi at pangpataba.

Dito ay unti-unti nang nagsimulang magbago ang buhay nina Helen at ng kaniyang pamilya. Sa katunayan nga ay kumita kaagad sila ng P1.2-M sa unang ani pa lamang. Gayunpaman, sila ay hindi pa din nakaligtas sa mga pagsubok dahil sa bagyong dumating na sumira sa kaniyang mga pananim at maging sa kanilang bahay.

Gayunpaman, hindi nawalan ng pag-asa ang mag-asawa at tinuloy lamang ang pagtatanim ng pakwan. Makalipas ang ilang mga tao ay unti-unti namang guminhawa ang kanilang buhay. Nabili niya din ang lupa kung saan sila dating nangupahan at pinaalis. Ang kaniyang mga anak ay binawi na din niya mula sa mga kamag-anak.

Sila ay nakapagpatayo na ng sariling bahay at nakabili na ng mga sasakyan. Bukod pa diyan, mula sa 3 ektarya na lupain ay lumaki ang pinagtataniman nila ng pakwan at gulay na umabot sa 50 ektary na. Ang kaniyang mga anak ay nakapagtapos na din sa pag-aaral. Ang ilan ay nakapagtrabaho na samantalang ang ilan ay naging katuwang niya sa negosyo.

Sa kabila ng mga masasakit at maanghang na salita na kaniyang natanggap noon sa mga suppliers, pinag-uutangan at pinag-uupahan, nanatili namang malakas ang loob ni Helen na balang araw ay makakamit din niya ang mga pangarap niya sa buhay. Malaki din ang pasasalamat ni Helen sa Diyos dahil naging masagana ang kanilang buhay.