Kailanman ay hindi nagiging hadlang at batayan ang estado natin sa buhay at ang ating kakulangan para maabot ang ating mga pangarap. Katulad na lamang ng mga tao na mayroong kapansanan na kahit pa man mayroong kakulangan sa kanila ay nagagawa pa ding mamuhay ng normal.
Ito ay pinatunayan ng isang Pinay-American na piloto na hindi naging hadlang ang kapansanan para matupad ang kaniyang mga nais makamit sa buhay.
Ang Pinay-American ay nakilala sa pangalan na Jessica Cox. Simula pa noong siya ay ipanganak ay wala na siyang braso. Ngunit, ito ay hindi naging hadlang para sa kaniya upang hindi niya matapos ang kaniyang pag-aaral. Isang retiradong guro ng banda ang ama ni Jessica habang isang nurse naman ang kaniyang yuma0ng ina. Si Jessica lamang sa kanilang pamilya ay ipinanganak na walang braso.
Ayon kay Jessica, bata pa lamang daw siya ay natutunan na niya kaagad ang taekwondo at naging isang black belter pa. Sa edad na 17, siya ay nakakuha ng lisensya sa pagmamaneho at natutunan kung paano kontrolin ang manibela gamit lamang ang kaniyang mga paa. Kumuha naman siya ng pagsasanay sa pagpapalipad noong siya ay nakatungtong na ng 22 taong gulang at siya ay nakatanggap ng lisensya bilang isang piloto makalipas ang tatlong taon.
Si Jessica ay kinilala ng Guiness World Record bilang kauna-unahang babaeng piloto na nakapagpalipad ng eroplano gamit ang kaniyang mga paa lamang. Bukod dito, si Jessica ay mahusay din sa mga outdoor activities kagaya ng horseback riding, surfing, at scuba diving.
Tunay na isang kahanga-hanga si Jessica dahil kahit pa man may kapansanan, nagagawa pa din niyang pangalagaan ang kaniyang sarili. Nagagawa din niya ang mga ginagawa ng mga tao sa araw araw kagaya ng pag-aayos ng buhok, pagtali ng kaniyang mga sapatos, pag-aayos ng pagsisipilyo, pagta-type gamit ang kaniyang mga daliri, pagmamake-up, at paglalagay ng mga contact lens. Siya din ay mayroong talento pagdating sa pagtugtog ng piano.
Ayon pa kay Jessica, madalas daw niyang tinatanong ang kaniyang ina noong siya ay bata pa kung bakit siya ginawa ng Diyos sa ganitong paraan. Sagot naman sa kaniya ng kaniyang ina na mayroong higit na plano ang Diyos para sa kaniya. Inamin ni Jessica na kung wala ang pagmamahal at suporta na natatanggap niya mula sa kaniyang pamilya, maaaring hindi siya magiging matagumpay at hindi mararating ang buhay na mayroon siya ngayon.





0 Comments