Naging viral sa social media nito lamang ang isang nakakaantig na video tampok ang sorpresang ginawa ng mga kaanak ng mag-asawang ito para sa kanilang ika-40 anibersaryo.

Noong una, akala ng babaeng ito ay dadalo lamang siya sa kasal bilang ninang ngunit laking gulat na lamang niya dahil nang buksan ang pintuan, siya ay pinakilala bilang bride. Ang mga kamag-anak nina Nanay Elizabeth at Tatay Arnold ang siyang nag-organize at nag-plano ng surpresa para sa vow renewal ceremony ng dalawa sa pagdiriwang ng kanilang ika-40 anibersaryo ngayong 2021 bilang mag-asawa. Ang nasabing seremonya ay ginanap sa Bacolod City.

Ilang linggo bago ang kasal, sinabihan siya ng kaniyang mga kaanak na kinukuha siya bilang ninang sa isang kasal. Gumawa pa sila ng pekeng wedding invitation para kumbinsihin si Nanay Elizabeth.


Ani ng manugang ni Nanay Elizabeth na si Brenda Arrey,

"Last month pa siya namin sinabihan para makapaghanda din siya ng kaniyang maisusuot. Gumawa po ako ng fake invitation para mas kapani-paniwala at hindi siya magduda."

Nag-imbita din si Nanay Elizabeth ng ilan sa miyembro ng kanilang pamilya para dumalo sa seremonya. Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman ay parte din ang mga ito ng sorpresang inihanda nila para sa kaniya.


Pagbabahagi ni Brenda,

"So lahat ng inimbitahan ni Nanay, kinuntsaba na namin na mag-say yes lang if ever Nanay will call them na pumunta sa bahay on the 6th."

Alam din ni Tatay Arnold ang lahat tungkol dito at nanatiling tahimik ng ilang linggo para masurpresa ang kaniyang asawa. Naging maayos naman ang kanilang plano at talagang kitang kita ang gulat at pagka-sorpresa ni Nanay Elizabeth!

Isang pastor ang naghatid ng mensahe at ni-renew naman ng mag-asawa ang kanilang vows para sa kanilang Ruby wedding anniversary.

Samantala, marami naman sa mga netizens ang naantig sa nasabing sorpresa ng pamilya para sa mag-asawa.