Matatandaan na marami ang naantig sa madamdaming kwento ng isang palaboy mula sa Cebu na si Roberto Planado Jr. o mas kilala sa tawag na "Berta" sa kanilang lugar.

Si Berta ay unang sumikat sa social media habang siya ay nagsasalita ng Ingles sa kaniyang kausap bago siya madiskubre sa Kapuso Mo, Jessica Soho.

Mahigit 17 taong nanirahan si Berta sa iba't ibang lugar sa Cebu. At tanging panlilimos sa mga residente o panghihingi sa mga taong dumadaan ang pinagkukunan niya para makakain sa araw-araw. Maraming netizens ang humanga kay Berta dahil sa husay nito na makipag-usap ng purong Ingles.


Napag-alaman noon na si Berta ay dating guro sa isang public school hanggang sa siya ay umibig sa isang lalaki. 

Sa naging impluwensiya sa kaniya ng kaniyang nobyo at dahil na din sa pakikipag-barkada niya ay napariwara ang buhay ni Berta. Siya ay niloko din noon ng dating kasintahan dahilan para mawala sa sariling katinuan si Berta at tuluyan ng namalaboy sa kalsada.


Hindi naglaon ay mayroong mabubuting puso ang tumulong kay Berta para magbago muli ang kaniyang buhay at mabigyan ng pangalawang pagkakataon na lumaban sa buhay.

Isa na nga dito ang vlogger na siyang nakadiskubre kay Berta sa lansangan. Dahil itinuturing ng kuya ng vlogger na si Anton si Berta, naisip niya na humingi ng tulong sa isang treatment facility para mabigyan ng aksyon ang kondisyon ni Berta.

At makalipas nga ang isang buwan na pananatili sa Safe Haven treatment recovery village, talagang naging iba ang kilos at hitsura ni Berta. Maayos na din ang kaniyang pakikipag-usap sa ibang tao.

Kung noon na siya ang binibigyan o nanghihingi ng pagkain sa mga taong makikita o makakasalubong niya sa daan, ngayon naman ay si Berta na ang nagbibigay ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ng mga street dwellers.

Kasama ni Berta ang Safe Haven at grupong Battle Against Ignorance Foundation Inc. sa kaniyang pamamahagi ng libreng pagkain.