Mayroon nga bang espesyal na pagtitinginan ang namamagitan kila John Lloyd Cruz at artist na si Isabel Santos?

Ito ang tanong ng maraming netizens ngayon matapos kumalat sa social media ang mga larawan ng dalawa. May ilang larawan kasi ang A-list actor na makikita sa Instagram account ni Isabel.

Noong November 8, isang fan account ang nag-report ng larawan ni John Lloyd na sinasabing mula sa Instagram story ni Isabel. Sa naturang larawan ay makikita si John Lloyd na may kasamang dalawang puting aso sa loob ng isang sasakyan. Tugma ito sa mga alagang aso ni Isabel na sina Benny at Noah.

Sa caption ng naturang fan, nilagyan niya ito ng "flexing" na may kasamang lovestruck emoji. Dahil dito, hindi tuloy mapigilan ng masugid na tagasubaybay at mga tagahanga ni John Lloyd kung mayroon na bang namamagitan sa kanila ni Isabel.


Noong Setyembre naman ay mayroong isang Instagram post si Isabel. Kahit pa man nakatalikod ang lalaki na nasa larawan habang naglalakad ay kapansin-pansin na tila si Lloydie nga ito dahil sa hubog at istilo ng katawan nito.

Mayroon pang larawan na ipinost si Isabel sa kaniyang Instagram account noong October 7 kung saan makikita ang isang lalaking nakatalikod. Marami naman ang nagsasabi na ito ay si John Lloyd.


Sa magkahiwalay na post, may larawan din na ibinahagi si Isabel tampok ang kaniyang mga alagang aso na nagtatampisaw sa isang pool. Ang naturang pool ay tila may pagkakaparehas sa swimming pool sa rest house ng actor sa Batangas, base sa mga larawan na kumalat noong ipagdiwang ng anak ng actor na si Elias ang kaaarawan nito sa naturang lugar noong Hunyo.

Samantala, may larawan naman ng painting na sinasabing gawa ni Isabel at ng ina nitong si Mona ang ibinahagi ni John Lloyd sa kaniyang official Instagram account noong June 13.


Noong October 17 ay nagkasama sina Isabel at John Lloyd sa isang art exhibit ng grupo ng artists sa Underground Gallery sa Makati Cinema Square.