Ang graduation ay isa sa mga pinaka-espesyal na araw na hinihintay ng mga estudyante dahil ito ang araw na aakyat ka sa entablado at kukuhanin ang diploma na iyong pinaghirapan. Talagang masasabi mo din na worth it lahat ng pagod, puyat, at tiyaga kapag nakuha o nahawakan mo na ang diploma na iyong minimithing makuha.

Lahat ng magulang ay pangarap na masamahan ang kanilang anak na aakyat sa entablado para kuhanin ang kanilang diploma. Ngunit, tila lungkot ang nararamdaman ng isang graduate na ito sa mismong araw ng kaniyang graduation imbes na siya ay masaya sa espesyal na araw na ito sa kaniyang buhay.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Jeric Rivas ang kaniyang malungkot na sinapit sa araw ng kaniyang graduation. Siya ay nakapagtapos sa La Concepcion College San Jose Del Monte Bulacan sa kursong Bachelor of Science in Criminology.


Sa nasabing post, ikinwento ni Jeric ang kaniyang mga pinagdaanan bilang isang estudyante. Hindi ito naging madali para sa kaniya dahil habang siya ay nag-aaral ay kailangan din niyang kumayod at maging isang working student para matugunan ang mga pangangailangan niya sa kaniyang pag-aaral.

Ayon kay Jeric, siya ay isang consistent honor student mula elementarya. Noong siya ay nakapagtapos ng grade 6 na mayroong karangalan ay mas pinili niya na huwag na lamang umakyat ng stage para kuhanin ang kaniyang medalya dahil wala namang umattend na kaniyang pamilya o kamag-anak sa kaniyang graduation. Noong siya ay high school siya naman ay naging Best in TLE ngunit wala pa ding sumama sa kaniya sa graduation para sabitan siya ng medal.

Ngunit ang mas masakit para kay Jeric ay hindi niya alam kung makakapagpatuloy ba siya noon ng kolehiyo. Ngunit dahil talagang desidido at pursigido siya na makapagtapos ng kolehiyo ay naisip ni Jeric na pasukin ang iba't ibang trabaho para matugunan ang kaniyang mga pangangailangan. Siya ay naging isang janitor, service crew, factory worker, student assistan, at maging kasambahay.


Kahit pa man hindi niya noon maramdaman ang suporta ng kaniyang mga magulang para sa kaniyang pag-aaral ay nagpapasalamat pa din si Jeric. Siya din ay nagpapasalamat sa lahat ng mga taong kumupkop at tumulong sa kaniya hanggang siya ay makapagtapos.

Kaya noong mismong araw ng kaniyang graduation, sinamahan siyang umakyat sa stage ng kaniyang mga guro dahil walang umattend ni isa sa kaniyang pamilya. Maging ang kaniyang mga kaklase ay proud at masaya din para sa kaniya.