Sa mga pagsubok at problema na kinakaharap natin ngayon, nakakalungkot lamang isipin na may mga tao pa din na nagagawang lokohin ang kanilang kapwa.

Katulad na lamang ng naging karanasan ng cashier na ito sa kaniyang naging customer.

Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng cashier sa isang minimart na si Elyza Galagar sa kaniyang TikTok account, kitang kita ang ginawang modus operandi ng isang lalaki.

Sa nasabing video, makikita ang lalaki na may blonde na buhok na nagbabayad sa cashier. Dahil isang chips lamang ang kinuha nito at isang libong piso ang perang binabayad, tinanong umano ni Elyza ang customer kung wala itong smaller bill ngunit ito ay umiling lamang at sinabing wala.


Maya maya pa ay inilagay na ni Elyza ang binayad nitong P1,000 upang maghanap ng barya. Ngunit nang ipasok ni Elyza ang pera ay naglabas naman ang lalaki ng eksaktong pera pambayad sa kaniyang nakuha. Kaya naman binalik na din ni Elyza ang P1,000 nito.

Kitang kita din sa video kung paano naglabas ang customer ng 100 pesos at mabilis na itinago ang P1,000 na inabot ng cashier. 


Makalipas lamang ang ilang segundo ay sinabi ng customer sa cashier na hindi pa naibabalik ang kaniyang P1,000 kaya naman muli siyang binigyan ng cashier ng isa pang P1,000 at sinuklian pa ang P100 na kaniyang iniabot.

Samantala, in-upload naman ng netizen na si Yvonne Bautista ang nasabing TikTok video ng nasabing cashier sa kaniyang YouTube channel upang magbigay ng awareness sa publiko.

Ayon kay Yvonne, noon pa man daw ay may mga ganitong uri na ng modus. Kaya naman aniya para sa mga cashier ay maging babala ang nangyari kay Elyza. Sinabi din niya na dapat ay lagi tayong maging maingat, mapanuri, at huwag magpapalinlang sa mga ganitong uri ng modus.

Saad naman ni Yvonne, tinatayang nasa apat na araw pagtatrabahuhan ni Elyza ang P2,000 na nakuha sa kaniya.