Sa panahon natin ngayon ay unti-unti ng nauuso ang pagtitinda o pagbili ng mga ukay-ukay. Bukod kasi sa mura lang ang halaga nito, maganda din ang kwalidad ng mga ito. Noong dumating ang pand3miya sa bansa ay tila mas dumami ang mga Pilipino na sumubok sa pagtitinda ng ukay-ukay at ang ilan sa kanila ay matagumpay itong napalago at ngayon ay kumikita na ng malaki.

Katulad na lamang ni Rachel Lucanas. Si Rachel ay nakapagtapos ng kursong Elementary Education sa Bulacan Agricultural State College at ngayon ay kumukuha naman ng kursong Business Administration sa University of Batangas.

Kahit pa man isang college graduate, mas pinili ni Rachel na mag-negosyo ng ukay-ukay kaysa pumasok sa isang kumpanya o maging isang guro. Maraming mga panghuhusga ang natanggap ni Rachel dahil sa kaniyang naging desisyon ngunit hindi ito pinansin ng dalaga at pinagpatuloy lamang ang kaniyang ginagawa.


Ginawa ding motibasyon ni Rachel ang mga panghuhusga na natatanggap niya mula sa ibang tao dahil sa karera na kaniyang pinili upang ipakita niya sa mga ito na kaya niyang magtagumpay sa buhay at matupad ang kaniyang mga pangarap kahit hindi niya sinunod ang natapos niyang kurso. Nagsumikap si Rachel sa kaniyang pagtitinda ng ukay hanggang sa ito ay lumago na ng tuluyan na naging dahilan para mapaayos niya ang kanilang bahay at makapagpundar din ng sarili niyang delivery van.

Noong una ay nakaramdam ng hirap si Rachel sa pagtitinda ng ukay dahil wala siyang karanasan dito at malayo din ito sa kurso na kaniyang natapos. Maliban pa diyan, kalat na din ngayon ang mga taong nagnenegosyo ng ukay-ukay. Ngunit hindi sumuko si Rachel at pinagpatuloy lamang ang kaniyang ginagawa.


Siya ay nagsimula lamang na magbenta ng isang bultong damit sa online selling kung saan siya din ang nagmo-modelo ng mga ibenebenta niyang mga damit. Hanggang sa naubos na niya ang mga ito at bumili ng pangalawang bulto. Kalaunan, ang isang bulto na naging dalawa ay dumami na ng dumami hanggang siya ay naging distributor na ng mga ukay-ukay.

Maliban sa naipundar niyang delivery van, mayroon na din ngayong sariling warehouse si Rachel para sa kaniyang ukay-ukay. Aniya ay nakalagay lamang ang mga ibenebenta niyang ukay-ukay sa kanilang garahe noon ngunit ang dating masikip at makipot na garahe ngayon ay isa ng warehouse na maluwag at malaki ang pinaglalagyan ng kaniyang ukay-ukay.

Ibinahagi naman ni Rachel sa kaniyang social media accounts ang tagumpay niya na ito para maging inspirasyon sa marami na magpatuloy lamang sa kabila ng mga pagsubok at problema na kinakaharap. 

Proud at masaya si Rachel dahil siya ay nakakatulong na sa kaniyang pamilya at napaayos pa niya ang kanilang bahay. 

Si Rachel ay isa lamang patunay na hindi lamang sa iisang direksyon makakamit ang tagumpay o iyong pangarap sa buhay kundi mayroon ding ibang paraan. Minsan ay hindi talaga nasusunod ang kurso na iyong tinapos ngunit maaari ka pa din namang sumubok ng ibang bagay sa iyong buhay, lalo na kung wala ka namang tinatapakang ibang tao at tama ang iyong ginagawa.

Payo ni Rachel,

“Kung may pangarap ka, wag mong intindihin ang sasabiin ng iba. Dahil ikaw ang tutupad sa pangarap mo hindi sila.”

Si Rachel ay nagsilbi ding inspirasyon sa marami na magpatuloy lamang na abutin ang iyong pangarap sa kabila ng mga pagsubok at problema.