Muli na namang inulan ng paghanga ang 'Its Showtime' host na si Vhong Navarro mula sa mga netizens matapos ibunyag ni Ogie Diaz na hinahanap umano ng aktor ang number ng dati niyang sidekick na si Mura sa kaniyang mga pelikula upang ito ay tulungan.

Noong Huwebes, Agosto 5, sa kaniyang latest showbiz update kasama si Mama Loi, ibinahagi ng komedyante at talent manager na si Ogie na hinahanap nga ni Vhong ang contact number ni Allan Padua o mas kilala sa kaniyang screen name na Mura.

Sa nasabing vlog, nabanggit ni Ogie ang tungkol sa viral interview ni Mura kamakailan lamang sa isang vlogger. Ayon kay Ogie, si Vhong umano ang maituturing na matalik na kaibigan ni Mura sa showbiz noong kasagsagan pa ng kasikatan nito.


Matatandaan na marami na ding mga pelikula na ginawa si Mura kasama si Vhong at gumanap bilang kaibigan ng aktor noon.

Kasunod ng balita na ito, isiniwalat naman ni Ogie na hinahanap ni Vhong ang contact number ni Mura.


"Ako naman sasabihin ko na, ito pangungunahan ko na. Parang John Lloyd din 'to at si Karen Davila, na yun nga, sa totoo lang hinahanap sakin ni Vhong Navarro ang number ni Mura."

Ayon kay Ogie, nais umano ni Vhong na makausap si Mura para bigyan ng tulong ang dating komedyante.

"Gusto niyang makausap si Mura. Nako, ewan ko kung kailangan ko 'tong sabihin, pero sila na lang bahalang magusap ni Mura. Kasi gustong tulungan ni Vhong si Mura."

Maliban kay Vhong, nabanggit din ni Ogie na plano din niyang magbigay ng tulong kay Mura, lalo na sa sitwasyon nito ngayon.

Samantala, inulan na naman ng paghanga si Vhong mula sa mga netizens dahil sa kabutihang loob nito na kahit pa man matagal na silang hindi nagkikita at nagkakasama ni Mura sa mga palabas, hindi pa din niya ito nakakalimutan.