Sa hirap ng buhay na ating nararanasan ngayon, nakakalungkot lamang isipin na may mga tao pa din na pinipili na lokohin ang kanilang kapwa nang hindi iniisip kung ano ang magiging epekto ng kanilang gagawin.

Hanggang ngayon ay patuloy na dumadami ang bilang ng kaso ng fake booking kung saan may mga customer na um-order sa mga food delivery rider ngunit maling address at cellphone number ang kanilang ibibigay.

Katulad na lamang ng food delivery rider na ito na bumyahe pa ng ilang kilometro mai-deliver lamang ang pagkain na in-order ng customer ngunit maling address pala ang binigay nito.


Sa video na ibinahagi ng netizen na si Paulino Baro Collo Jr., makikita ang Angkas rider na hindi na napigilan ang maging emosyonal dahil sa fake booking na naranasan sa isang customer. Base sa video, nasa P599 ang na-order ng customer. Ngunit, ang address na ibinigay nito ay mali.

Dahil nakaramdam na din ng awa sa rider at naiintindihan ni Paulino at nararamdaman nito bilang isa ding food delivery rider, napagdesisyunan ni Paulino at ang kaniyang mga kapwa Grab rider na mag-ambag para mabili ang mga na-order na pagkain ng customer bilang tulong na din sa rider dahil ilang kilometro din ang binyahe nito.


Ayon sa post ni Paulino, nangyari ito noong Abril 3, 2021 ng 1:40 ng madaling araw.

Hiling ni Paulino na sana ay tigilan na ang pagfa-fake booking dahil napakalaking epekto nito para sa kanilang mga delivery rider. Inaabot sila ng madaling araw upang kumita ng pera para may maiuwi sa pamilya ngunit kadalasan ay ganito pa ang kanilang nararanasan.

Samantala, marami naman sa mga netizens ang nahabag sa kalagayan ng delivery rider. Hiling ng marami na sana ay matigil na ang ganitong uri ng panloloko o di kaya ay mayroong kaso na dapat isampa sa mga customer na nagfa-fake booking.