Hindi biro ang trabaho ng tagalinis ng hotel. Bukod sa iba't ibang klase ng tao ang araw-araw mong nakakasalamuha, ang pagod at hirap ay hindi basta basta, lalo na kapag nakatyempo pa ng mga burarang hotel guest na walang pakundangan sa mga iniiwang kalat at walang pakialam sa hirap ng ibang tao dahil ang iniisip nila ay ang katagang 'The customer is always right'.
Pero hindi naman lahat ay ganoon ang ugali mayroon din namang mababait at may respeto sa ibang tao. Ngunit sa isang pambihirang pagkakataon, naranasan ng isang hotel cleaner mula Utah ang mapaluha nang iangat niya ang kumot sa silid na kaniyang nililinis.
Mahirap na trabaho ang pagiging hotel cleaner dahil doon ay walang nagtatagal sa trabaho na iyon sa isang hotel sa Utah kaya naman halos hindi na inaalis ng may-ari ang sign board nito sa labas kung saan nakalagay ang mga salitang job hiring. Kahit ang hotel manager ay naiintindihan ang pinagdadaanan ang mga hotel staff kaya naman kapag nagpapaalam na ang mga ito isa isa ay hindi na niya ito kinabibigla.
Isang araw, isang babae na nagngangalang Shelly ang nag-apply para maging hotel cleaner. Tinanong ng manager ang babae kung handa ito sa haharaping trabaho at sinabi din niya na walang nagtatagal na taga linis ng hotel dahil sa hirap ng trabaho. Tinapat din niya ang babae na hindi malaki ang sweldo na kaya nilang ibigay sa sinumang maga-apply.
Ngumiti lamang si Shelly at sinabi na kailangan na kailangan niya ng trabaho at handa siyang subukan ang trabaho kahit pa ito ay mahirap.
Matapos balikan ng manager ang kaniyang application paper, tumango ito at kinamayan si Shelly. Sinabi nito kay Shelly na ito ay tanggap na at maaari ng magsimula bukas.
Ngunit, sa likod ng kaniyang isip, wala pang isang buwan o isang linggo ay magpapaalam na si Shelly sa kaniya.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay naroon na si Shelly sa hotel para sa unang araw ng kaniyang trabaho. Agad siyang nagsimulang magligpit ng lahat ng kalat na naroon sa silid na iniwan ng mga guest. Nag walis siya at nag-mop ng sahig. Pinalitan niya din ang mga punda at bed sheets. Hindi pa man din natatapos sa isang silid, may kasunod na silid na namang nakaabang na lilinisin. Dagdag pa sa hirap ng trabaho ay madalas mayroon talagang mga hotel guest na hindi talaga marunong ng salitang respeto.
Kabi-kabila ang kalat at may pagkakataon pa na halos hindi kayang sikmurain ng taga linis ang mga nakikitang kalat sa kwarto, partikular na sa comfort room ng kwarto. Nakita din niya ang tambak na labahin na mga bed sheets at kumot sa laundry area ng hotel. Halos maubos ang kaniyang lakas sa araw na iyon. Ngunit, wala siyang magagawa dahil iyon ay parte ng kaniyang trabaho.
Isa pa, kailangan talaga niya ng trabaho at ayaw na niyang mahirapan pang maghanap ng iba. Makalipasang ilang araw, sa wakas ay natapos din ang mga labahin at nagulat ang manager sa pinakita niyang kasipagan. Hindi din siya nahuhuli sa kaniyang trabaho at bago pa man matapos ang kaniyang shift ay tapos na niya ang mga gawain.
Naging consistent si Shelly sa kaniyang ginagawa, ngunit kahit nais ng manager na bigyan siya ng extra maliban sa kaniyang sweldo ay hindi naman sapat ang kita ng hotel nang mga panahong iyon. Ngunit, sadyang nais niyang bigyan ng reward ang masipag niyang empleyado kaya noon ay tinawagan niya ang dalawang tao na kakilala niya na alam niyang makatutulong siya sa kaniyang hangarin.
Sina Kyle at Josh ay kapwa filmmaker na may magandang layunin - ang magbigay ng munting gantimpala sa mga taong masisipag at nagtatrabaho ng husto para sa kanilang pamilya. Binuo ng dalawa ang "Gift back films" kung saan nagkaroon ito ng maraming followers sa social media platforms dahil sa maganda nitong layunin. Nang malaman ng dalawa ang tungkol kay Shelly, hindi nagdalawang isip ang dalawa na gawin itong subject dahil na din sa mga kwento na ibinida sa kanila ng hotel manager na kanilang kaibigan.
Kaya naman hindi na nila pinatagal pa at sa pakikipagtulungan sa hotel manager, nag set-up ang dalawa ng mga camera sa isang silid ng hotel at sa kabilang silid ay naroon ang monitor kung saan aktwal nilang nakikita ang taong papasok sa silid na iyon. Sinadya nilang guluhin ang mga gamit sa kwarto at sa ilalim ng kumot ay naglagay sila ng pera na nagkakahalaga ng $500. Nag-iwan din sila ng note kung saan nakalagay doon na iyon ay tip para sa tagalinis.
Maayos nilang inilatag iyon sa ilalim ng kumot. Nang handa na ang lahat, tumawag na sila sa manager para simulan ang kanilang plano. Nang pasukin ni Shelly ang silid wala naman siyang nahalata dahil normal na sa kaniya na makakita ng ganoong kakalat na silid. Kaya noong mga oras na iyon ay sinimulan na niya ang paglilinis.
Sinimulan niyang ligpitin ang mga kalat, nag walis at nag-mop ng sahit. Noong makarating na siya sa bandang kama, labis na excitement ang naramdaman ng mga nasa kabilang silid sa magiging reaksyon nito kapag nakita niya kung ano ang naghihintay na surpresa sa kaniya. Niligpit niya at pinagpag ang mga unan at pinalitan ito ng mga punda. Isinunod niyang tanggalin ang linen at nang iangat niya ang kumot, halos mapaluha siya sa sobrang saya matapos makita ang pera na nakalatag sa kama para sa kaniya.
Hindi siya makapaniwala dahil karaniwang maliit na tip lamang ang kaniyang natatanggap. Sobrang laki ng $500 bilang tip dahil mas malaki pa di hamak iyon sa kaniyang buwanang sweldo.
Tuwang tuwa naman sina Josh at Kyle dahil matagumpay ang kanilang plano. Noong mga oras na iyon ay pinasok na nila ang silid kung nasaan si Shelly. Nagpakilala ang dalawa at umiiyak naman na nagpasalamat si Shelly. Gayunpaman, halos ayaw nitong tanggapin ang ganoong kalaking tip.
Ngunit, nagsalita ang kaniyang manager at ipinaliwanag niya kay Shelly na bahagi siya sa planong iyon dahil sa labis niyang tuwa sa maayos na pagtatrabaho ni Shelly. Iyon din ang nakita niyang paraan upang bigyan ang huli ng reward.
Tunay nga na ang mabuting gawain ay may hatid na gantimpala mula sa ating kapwa.
0 Comments